Zanjoe and Kylie Mag - ON na?


Kaliwa't kanan ang papuri kina Zanjoe Marudo at Kylie Verzosa sa mahusay nilang pagganap sa pelikulang Ikaw Lang Ang Mahal na mapapanood na sa Vivamax sa Mayo 20 mula sa direksiyon ni Richard Somes produced by Viva Films. 



Malalim ang kuwento ng pelikula na tumalakay sa dayuhang filmmaker sa Sagada para idokumento ang mga kilalang national artist doon na ginagampanan nina Joel Torre (nobelista), Lara Morena (painter) at Ronnie Lazaro (direktor). 



Nakilala ng filmmaker na ginampanan ni Zanjoe si Kylie, isang premyadong nobelista na pamangkin nina Joel at Ronnie. 



At dahil parehong artist ay nagkasundo sila sa maraming bagay hanggang sa nagkagustuhan at lumalim nang husto ang relasyon. 



Gusto namin ang kuwento ng Ikaw Lang Ang Mahal lalo na ang location. It’s all about the culture of the people living in Sagada mountain na para sa amin ay hindi nagmamadali ang buhay doon na chill-chill lang. 



Sabi nga ni Evangeline Pascual (may-ari ng bahay na tinirhan ni Zanjoe), ang isang buwan sa Sagada ay katumbas ng isang taon sa Maynila, at naniniwala kami. Ang sarap tumira sa nasabing lugar, sariwang hangin, walang pressure, walang stress, sariwa ang mga gulay, masarap at tahimik. 



Ang ganda ng chemistry nina Zanjoe at Kylie, bagay na bagay sila. 



At hindi pala ito nakaligtas sa obserbasyon ng mga magulang ng aktres na sina Ginoong Ari Verzosa at Gng. Gemma Racquel Fausto na nanood din sa ginanap na private screening ng Ikaw Lang Ang Mahal nitong Miyerkules ng gabi.



Narinig naming pinuri ng daddy ng dalaga si Direk Richard sa magagandang shots nito lalo na sa nude scenes nina Zanjoe at Kylie sa tuktok ng bundok na artistic ang pagkakakuha, at sinabi ngang bagay ang anak nila kay Z. 



Sakto naman na dumaan sa harap namin si Zanjoe sa Botejyu kung saan ginanap ang cast party at ibinulong naming, "Huy, Z, boto sa ‘yo ang daddy ni Kylie, bagay daw kayo, may chemistry kayo." 



Naaliw kami sa sagot ng aktor, “Oo nga, pati nga mommy niya, sabi rin ‘yun,” at nagkatawanan kami. 



Hirit namin sa aktor, “May girlfriend ka na?” 



“Wala pa, pero malapit na,” sabi kaagad nito.



Inginuso namin si Kylie kay Zanjoe at sagot nito, “Close friends lang (kami ni Kylie) saka kaibigan ko si Jake, kaibigan ko silang dalawa.”



Hmm, close friends? Puwede naman, 'di ba? Pero kilala namin ang aktor kapag nakasama niya sa movie ay nade-develop siya. Beke nge nemen.



Anyway, kasama rin sina Axel Torres at Cara Gonzales sa pelikula. Surprisingly, mahusay itong baguhang sexy star ng Viva Films, huh?

Comments

Popular posts from this blog